Pages

Para sa mga nakararanas ng pighati.

Biyernes, Agosto 1, 2014

Naisulat ko ang tulang ito, mga ilang taon na ang nakalilipas. Sa una yatang pagkakataong nabigo ako sa pag-ibig. Ngayon, nang muli kong mabasa, nalimutan ko na ang sakit na naramdaman habang isinusulat ko ito. Ang mensaheng nais nitong iparating, hindi kailanman mawawaglit. 

Handog ko ito sa lahat ng nakararanas ng pighati. Isang silip sa katotohanan na oo, ‘di maitatanggi ang sakit. Ipipilit nitong magparamdam. Ngunit hindi rin lingid ang katotohanang, may kahit kakaunting natira sa ating sarili na magbibigay ng bagong pag-asa.

Para sa mga nakararanas ng pighati
Saan nga ba napupulot ang mga pira-pirasong bubog ng nabasag na puso?
Sa lakas ng bugso ng hinanakit, lumayo silang lubusan.

Kailan matatapos ang pang-aapuhap sa kanila ng pagal kong damdamin?
kung may pag-asa bang may katapusan, hindi ko alam.

Paano nga ba mapipigilan ang unti-unting pagkaubos at pagkawala ng sarili?
Dahil sa walang patid na paghanap, walang kasiguraduhan.

Ako nga ba ang makabubuong muli ng aking nasirang paniniwala sa pag-ibig?
Hindi kaya’t may isang taong aayos ng lahat, harinawa.

Kung saan man siya naroroon
Kung kailan siya darating
Kung paanong siya’y paparito
Ako’y patuloy na maghahanap
Masidhing maghihintay
Pilit bubuuin ang sariling
Nawasak ng pag-ibig.



Hanggang sa muli,
Dan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

 

Most Reading

Test